Miyerkules, Disyembre 5, 2012

SI LAWTON, SI QUEZON AT ANG CONSTITUTION HILLS

***

Pang. Manuel Luiz Quezon(August 19, 1878-August 1, 1944)
PANG. MANUEL L. QUEZON(August 19, 1878 – August 1, 1944)
Si Pangulong Manuel Luiz Quezon ay naging pangulo ng Pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas noong 1935 hanggang 1944. Siya ang kinikilalang naging pangalawang pangulo ng bansa kasunod ni Pangulong Emilio Aguinaldo bilang siyang naging una. Ipinanganak sa Baler, distrito ng El Principe(Dating Baler Tayabas na ngayon ay Baler Aurora)mula sa mga magulang na Kastila na sina Lucio Quezon at Maria Dolores Molina.

Noong 1907 nahalal bilang assemblyman sa unang Pambansang Asemblea ng Pilipinas. Naging majority floor leader at chairman ng committee of appropriation at  noong 1909-1916 ay naging resident commissioner ng Kongreso ng Estados Unidos ng Amerika. Nag lobby para maipasa ang Philippine Authonomy Act, umuwi g Pilipinas at nahalal bilang senador ng bansa. Naging Pangulo ng Senado hanggang 1935. Nanguna sa unang misyong pangkalayaan ng bansa noong 1919 at matagumpay na naipapasa ang Batas Tydings Mcduffy noong 1934 na siyang magbibigay kalayaan sa bansa.(Sipi mula sa: Wikipedia, the free encyclopedia)

 ANG CONSTITUTION HILLS
  
 Ang CONSTITUTION HILLS ay matatagpuan sa lugar na kinalalagyan ngayon ng BATASANG PAMBANSA, dating Parliamento ng Pilipinas na ngayon ay naging tahanan na ng Kongreso ng Pilipinas. Matatagpuan ang lugar sa Brgy. BATASAN HILLS Quezon City.

Nabanggit ang lugar noong 1939 ng mapasyal dito ang Pang. Manuel Quezon bago maganap ang pagsabog ng ikalawang Digmaang Pandaigdig. Narito ang tala ng isang mananalaysay ng kasaysayan ng Lungsod Quezon tungkol sa nasabing pook sa wikang Ingles.

 "Early one day in July 1939, when the world shimmered into view after a long spell of dark clouds and whipping rain, Quezon took a stroll around the Diliman area. With him were a handful of friends: Eulogo Rodtriguez, then secretary of agriculture and commerce, Alejandro Roces, Jose Paez, and Dr. Antonio G, Sison, dean of the U.P. College of Medicine. Standing on a high hill, not far away from where Sampaloc Avenue is now, Quezon was struck silent by the views in the morning light. The creation felt young; the forms of nature were ornate yet tentative. It was as if God, like many another artist, had taken leave of his canvas in the midst of his work, contenting himself with mixture of deep green foliage and fruits of varied hues. On what is now CONSTITUTION HILL, the trees took to the sky. Their boughs caught slender shafts of sunlight and their trunks were wrapped with moss and vines. The forest floor was deep in ferns. All around him, QUEZON saw a lushness such as he had never seen. To the east were SAN MATEO peaks rendered by distance as blue as the undersides of clouds. To the north hillside fields of tall grass led to waters that gleamed with forms transplanted as if from coral gardens at the bottom af a shallow sea. And to think that these were but parts of an unseen sum. When QUEZON found his voice again, he exclaimed: This is where I would like to build a real Filipino metropolis" 

 
Ang Constitution Hills:Makikita mula sa lumang mapa ng Lungsod Quezon
 Ayon sa sipi, sa lugar itatayo ng Pang. Quezon ang isang lungsod para sa mga Filipino. Kaya matapos maitatag ang "Lungsod Quezon" noong Oktubre 12, 1939 at maisalin ang Kapitolyo ng bansa dito noong 1948 ay sinimulan na rin ang pagtatayo ng "Capitol Building" sa lugar(Constitution Hills)noong Oktubre 22, 1949. Dito layong itayo ang mga gusali ng pamahalaan(Ehekutibo, Lehislatibo at Hudikatura)gawing Kapitolyo ng bansa at upang pagsamahin sa iisang lugar ang mga sangay ng Pamahalaan. Noong 1956, inilatag ni Architect Federiko Ilustre ang isang master plan para sa lokasyon bilang bagong tahanan ng Kongreso ng Pilipinas. Hindi naging maganda ang pagtanggap ng publiko sa desenyo ni Architect Federico Illustre kaya pinalitan ito ng bagong desenyo na gawa ni Architect Anselmo Alquinto ng National Planning Commision. Sinamang palad na kinapos ng pondo ang plano kaya ang naipatayo lamang ay ang mga pundasyon at mga bakal nito na di kalaunan ay tinibag din a siyang dahilan kung bakit hindi nabuo ang KAPITOLYO. 

Noong panahon ng Panguluhan ni Pang. Ferdinand Marcos ang plano para sa isang legislative complex ay binuhay. Itinayo sa lugar(Constitution Hills)ang pundasyon ng BATASANG PAMBANSA na naging tahanan ng unicameral parliament(na nooy humalili sa binuwag na bicameral Congress)noong panahon ng Batas Militar.

Ang bagong plano ay ginawa ni Felipe M. Mendoza designated bilang architect ng bagong complex na itatayo sa lugar. Tinibag ang  hindi natapos na pundasyon ng naunang capitol building upang magbigay daan sa pagtatayo ng bagong estraktura na gagawin namang tahanan ng bagong parlamento. Natapos ang estraktura noong 1977(North and South Building)at noong May 31, 1978 ay binuksan naman ang pangunahing gusali nito(Main building ng BATASANG PAMBANSA)

Hindi naisakatuparan maipatayo ang iba pang mga gusali ng pamahalaan na nakaplano sa lugar dahil sa kawalan ng pondo, pagkamatay ni Pangulong Manuel Quezon sa Amerika at ng pagsabog ng Ikalawang Digmaan. Naging dahilan ito para masabing hindi naisakatuparan ang orihinal na plano ni Pang. Manuel Quezon na magtatag ng isang "Kapitolyo" sa lugar na maihahambing sa "Capitol Hills" ng Estados Unidos ng Amerika.

Limang gusali ng pamahalaan ang kasalukuyang nakatayo sa lugar(Constitution Hills)na kinabibilangan ng mga sumusunod.
         1. Batasang Pambansa
         2. Civil Service Commission
         3. Commiosion on Audit
         4. Department of Social Welfare
         5. Sandigan Bayan
Nadagdagan ito ng maipatayo sa lugar(Constitution Hills)ang mga pangpublikong paaralan ng "Commonwealth Elementary School", "Batasan Hills National high School" at "Corazon Aquino Elementary School".

SI LAWTON AT ANG CONSTITUTION HILLS

Si Maj. Gen. Henry W. Lawton ay siyang pinakamataas na opisyal ng US military na namatay sa labanan sa digmaang Filipino-Amerikano noong 1898-1902. Siya ang natatanging heneral na nabigyang parangal ng "Medal of Honor" noong panahon ng Digmaang Sibil ng mga Amerikano na namatay sa labanan sa labas ng Hilagang Amerika. Ipinanganak noong Marso 17, 1843 sa Manhattan Ohio.Tumanggap ng parangal bilang bayani sa Atlanta noong Agosto 3, 1864 noong panahon ng Digmaang Sibil ng mga Amerikano. Noong tagsibol ng 1886, kasama ang mga tropang Amerikano ay tinugis nila sa Mexico ang lider ng mga Apache na kilala sa tawag na Geronimo, na sumuko din  noong Setyembre 3, 1886.

Noong sumabog ang Digmaang Espanol-Amerikano noong 1898, inatasan si Lawton na pangunahan ang 2nd Division ng 5th Army Coprs sa Cuba, Mas nakilala sa El Caney ng tulungan ang mga Rough Riders ni Teddy Roosevelt sa pag-atake sa San Juan Hill. Kaya lang, naging alkoholic siya at nagkaroon ng cronic depression. Muntik nang masira ng tuluyan ang karera ni Lawton ng minsang na-involve ito sa isang kaguluhan ng sirain nito ang looban ng isang saloon at manuntok ng isang hepe ng lokal na polisya. Noong Enero 19, 1899 ay muli siyang inatasan na hawakan ang 1st division ng 8th Army Corps sa Pilipinas ng personal itong manghingi ng tawad at ikalawang pagkakataon kay Pang. William McKinley.

Dumating sa Pilipinas si Hen. Henry Lawton noong Marso 10, 1899 lulan ng transport Grant kasama ang 42 opisyal at 1,716 na sundalong Amerikano.

Nakilahok sa labanang Fil-am at nakubkob ang Santa Cruz Laguna at San Isidro Nueva Ecija matapos lamang ang tatlong buwan. Noong Hunyo 10, 1899, sinimulan niya ang pagkubkob sa Cavite na nagresulta sa pagurong ng linya ng mga Filipino sa Timog palayo ng Maynila. Matagumpay na tinugis ang pangunahing pwersa ni Hen. Emilio Aguinaldo noong Oktubre 1899.

Pinatawag sa Maynila at inatasang kubkubin ang Poblasyon ng San Mateo, Probinsya ng Morong. Kasama ang kanyang tropa na pansamantalang rehimiento(Provisional Regiment)na binubuo ng Troop I 4th Cavalry(Lawtons Bodyguard)2nd and 3rd squadron ng 11th Cavalry at tag-iisang batalyon ng 27th at 29th USV Infantry.

Bandang alas 9: 15 ng umaga habang naglalakad sa pinaglabanan ng San Mateo(San Mateo battlefield)tatlong daang yarda ang layo mula sa pinakamalapit na trenserya ng mga Filipino ay nabaril at napatay si Hen. Henry Lawton ng mga tauhan ni Hen. Licerio Geronimo na kilala sa tawag na TIRADORES DELA MUERTE, isang espesyal na unit ng Republican army na espesyalisya bilang mga sharpshooters. Isang TIRADORES ang kinilala bilang siyang nakapatay kay Hen. Henry Lawton, siya ay si Pvt. Bonifacio Mariano, isang kalye ang ipinangalan sa kanya sa Brgy. Sta. Ana San Mateo Rizal.
  
CONSTITUTION HILLS ISANG MAKASAYSAYANG POOK

Marami ang hindi nakaka-alam na "makasaysayan pook" ang Constitution Hills. Mangyari na sa lugar ding ito napasyal at tumayo ang Pang. Manuel Quezon noong July 1939 at tumayo at pansamantalang kumampo din sina Hen. Henry Lawton at ng kanyang mga tauhan noon umaga ng Disyembre 19, 1899 panahon ng Digmaang Fil-am..

ANG LABANAN SA SAN MATEO

Aktwal na posisyon ng mga Amerikano at Filipino sa Pinaglabanan ng San Mateo
Noong umaga ng disyembre 19, 1899 mahigit isang daang taon na ngayon ang nakakalipas ay sinasabing tumindig si Hen. Henry Lawton sa isang mataas na burol na abot tanaw ang bayan ng San Mateo at ilog Marikina para magmanman. Kasama niya noon ang kanyang mga tropa, isang binuong pansamantalang rehimento(provisional regiment)na binubuo ng tag-iisang batalyon ng Ika-27 Impanterya at ng Ika-29 Impanterya ng mga Boluntaryo ng EUA, tig-iisang squadron ng kabayuhan at di-kabayuhan ng Ika-11 Kabalyera at siyempre kasama dito ang kanyang mga bodyguards ang kanyang mga opisyal sa Ika-4 na Kabalyera ng EUA. Ang kanilang pangunahing layunin ay atakihin ang bayan ng San Mateo na nooy naging isang moog ng mga Republikanong Filipino.Ang San Mateo ay isang maliit na poblasyon na matatagpuan sa Hilagang-silangan ng Maynila na may labingwalong milya ang layo at nasa lambak ng ilog Marikina.

Hen. Licerio Geronimo
Matapos magmanman ay bumalik na ang heneral sa kanyang mga tropa na nakakampo di kalayuan sa mataas na burol kung saan siya nakatindig para manmanan ang lugar ng San Mateo. Sa loob ng kanyang tolda ay ipinaliwanag ni Hen. Henry Lawton sa kanyang mga tauhan kung papaano aatakihin ang bayan ng San Mateo. Inatasan niya ang kanyang Kabalyera na nasa ilalim ni Col. Lockket na pwersahang tawirin ang ilog, tumuloy at atakihin ang Montalban para mapigilan ang pagtulong sa garison ng San Mateo. Ang kanyang mga di-kabayuhan naman(na nasa ilalim din ng pamumuno ni Lt. Col. Herbert Sargent)ay naatasang tumawid ng ilog sa Ilaya, pasukin ang Poblasyon sa Hilaga, at pigilan ang pagtakas ng garison ng San Mateo, habang sa isang banda ay aatake naman ang kanyang mga impanterya sa ilalim ni Lt. Col. Herbert H. Sargent na naatasang lumapit sa ibaba sa tapat ng Poblasyon ng San Mateo.
Ang pagkamatay ni Hen. Henry Lawton sa San Mateo
Ang plano ng heneral ay mahusay!subalit dahiol na rin sa mga natural na depensa ng lugar, ng tumataas na ilog ng San Mateo at ang matikas na pagdepensa ng mga sundalong Filipino ay nabalam ang pag-atake at napigilan ng ilang oras. Ang pagkabalam ay naging dahilam ng pagbaba ni Hen. Henry Lawton sa kanyang pansamantalang kinampohan sa mataas na lugar na kung tawagin nila noon ay "High ground opposite of San Mateo".Gamit ang isang puting kabayo ay sinuri muli ng heneral ang lugar. Ika-9:30 ng umaga ng Disyembre 19, 1899, si Hen. Henry Lawton ay nabaril at napatay ng mga tauhan ni Hen. Licerio Geronimo na kung tawagin ay mga "TIRADORES DELA MUERTE". Isang TIRADORES ang kinilala bilang siyang tao na nakabaril kay Hen. Henry Lawton, ang kanyang pangalan ay si Pvt. Bonifacio Mariano. Siya ay napatay din sa labanan habang namamaril sa kanyang posisyon sa taas ng isang puno

ANG "HIGH GROUND OPPOSITE OF SAN MATEO".

Ayon sa mga opisyal na dokumento ng mga amerikano, ang buong tropa ni Hen. Henry Lawton ay nagtipon-tipon sa lugar na kung tawagin nila noon ay "high ground opposite of San Mateo".

Saan matatagpuan ang lugar na ito?Saan matatagpuan ang lugar na tinatawag noon ng mga Amerikano na "high ground opposite of San Mateo"?
Ang Constitution Hills Batasan Pambansa Complex at ang San Mateo

Gumawa ako ng isa na namang pag-sasaliksik upang matukoy ang lugar. Gamit ang google map, lumang mapa ng Quezon City, ilang dokumento ng mga Amerikano tungkol sa naganap na labanan sa San Mateo at ang aktwal na topograpiya ng lugar ay tinukoy ko kung saan banda ang aktwal na lokasyon ng "high ground opposite of San Mateo" sa lugar.

Sa aking pagsasaliksik ay may apat na deskripsyon ng lugar akong nakuha mula sa mga tala ng mga amerikano.

1. Ito ay mataas na lugar(high ground)
2. Direktang nakatapat sa bayan ng 
    San Mateo(opposite of San Mateo)
3. Ito ay isang "bluff"
4. Ito ay nasa "Kanluran" ng San Mateo"



Ang Ilog San Mateo at ang Bluff sa di kalayuan
Noong Disyembre 2008 ay gumawa ako ng pagsusuri sa topograpiya ng lugar. Pinuntahan ko at inaral ang mga nakapalibot ditong mga subdibisyon. Inobserbahan ko ang mga burol, ang taas, ang laki at ang lapad. At kapansin-pansin na isa itong "bluff" isang mataas na burol na may malapad na tuktok at nakaharap sa ilog Marikina, akmang-akma sa deskripsyon ng mga amerikano sa lugar na pansamantalang kanilang kinampohan noong digmaang Filipino-amerikano.

Ayon kay Lt. Col. Herbert H. Sargent, ground commander ni Hen. Henry Lawton sa San Mateo, ang lugar daw ay isang BLUFF at nasa Kanluran ng San Mateo.

Ang Constitution Hill
 Makikita sa lumang mapang ito Lungsod Quezon ang lugar na "opposite" at "Kanluran din ng San Mateo", mababasang may marka itong "Constitution Hills".

Kung kayo ay makakapunta sa BATASANG PAMBANSA ay mahihinuha na ang pag-aaral na ito ay tama. Nasa mataas na lugar ang BATASANG PAMBANSA COMPLEX, ito ay direkta nakaharap sa bayan ng San Mateo, nakalatag sa isang mataas at malapad na burol na nakaharap sa ilog San Mateo(isang Bluff)at higit sa lahat nasa Kanluran ng San Mateo yamang akmang-akma sa mga deskripsyon ng mga amerikano noong pansamantalang kumampo ang mga ito sa lugar mahigit isang daang taon na ang nakalilipas noong panahon ng Digmaang Filipino-Amerikano.

Ang pook ay kilala ngayon bilang ang "Constitution Hills Batasang Pambansa complex", ang tahanan ng Kongreso ng Pilipinas.




 "Walang lugar ang mito sa kasaysayan sapagkat ang kasaysayan ay nararapat lamang na maging kasing kahulugan ng salitang katotohanan."

G. S. Hosalla

***


Bibliography:
http://en.wikipedia.org/wiki/Manuel_L._Quezon
http://www.nhcp.gov.ph/index.php?option=com_today_in_history&th_days=1&th_month=1&Itemid=1&thAction=thDetailView&th_id=1484&date=2008-02-01
http://tl.wikipedia.org/wiki/Lungsod_ng_Quezon
https://en.wikipedia.org/wiki/Batasang_Pambansa_Complex
http://philippineamericanwar.webs.com/genlawtondies1899.htm